Aaminin ko, noong una kong basahin ang isinulat ni James Soriano para sa Manila Bulletin, gusto kong kaliskisan siya ng buhay dahil taliwas sa kanyang karanasan ang naging karanasan ko sa wikang Filipino. Sa unang tingin, nakaiinsulto para sa isang tulad kong aminadong higit na gamay ang pag-isip, pagsulat at pagsalita sa wikang Filipino ang sabihing hindi ito language of the learned.
Mabuti na lamang at mayroong mga haka-hakang lumabas na maaaring tinangka ng manunulat na gawing satire sa huling tatlong talata ang kanyang isinulat. Ipinagsasaalang-alang ko na lang sa Diyos na totoo iyon. Na hindi niya napagtagumpayan na iparating ang nais niyang iparating na punto. Dahil kung ang higit na malala ang totoo, kaawaan na nga lang ng Diyos si G. Soriano at ang mga tulad niya.
Kaawaan nawa sapagkat naniniwala akong napagkaitan sila ng pagkakataong namnamin at yakapin ang kanilang pagiging Filipino. Malaking salik ang wika sa pagkakakilanlan ng isang mamamayan ng kanyang bansa. Sa gayon, paano nating buong dangal na masasabing Filipino tayo kung hindi natin magawang tangkilikin at mahalin ang sarili nating wika? O ginagamit nga ba natin ang wikang Inggles bilang bahagi ng pagtatalop natin ng ating pagigiling Filipino? Huwag naman sana.
Sariling Wika at Kaliskis
Ngunit, sino nga ba naman ako upang kaliskisan siya ng buhay? Hindi ba’t minsan din ay’ bahagi ako ng mga dapat kaaawan? Sino nga ba naman tayo? Sa gayon, sa halip na paigtingin pa ang walang kapararakang galit na binuhay ng isinulat ni G. Soriano sa pamamagitan ng paghimay nito, nanaisin ko na lamang na pagmuni-munihan ang sarili kong karanasan sa wikang Filipino.
Pangunahing ginagamit sa kinalakhan kong tahanan ang wikang Filipino. Marahil dahil nga higit na akmang gamitin ang wikang Filipino dito sa Pilipinas. Sa pag-aaral, Filipino rin ang kinagamayan ko. Naalala ko nga noong nasa mababang paaralan pa lamang ako, lagi akong pinakanahihirapan sa Reading. Marahil nga’y nalinang akong mag-isip at umintindi sa sariling wika higit pa sa wikang banyaga. Tuluy-tuloy iyon hanggang kolehiyo. Kapag may pagkakataon, higit kong pinipili ang mga klase sa wikang Filipino sapagkat alam kong higit kong kayang ipahayag ang nais ko sa wikang ito. Kahit na Inggles karamihan ang klaseng kinuha, higit kong naiintindihan ang mga babasahin kung isinasalin ko muna ito sa wikang Filipino. Kaya nga minsan, ambagal ko lang magbasa.
Usaping Aral
Marahil magkaiba nga lang kami ng naranasan ni G. Soriano kung kaya’t naging taliwas ang aming mga pananaw. Hindi ko kasi kailanman nasabi o inisip man lang na hindi wika ng aral na tao ang wikang Filipino.
Marahil nga noong isinusulat niya iyon, masyado na niyang itinali ang pagiging aral sa mga institusyon sa lipunan kung saan wikang Inggles ang ipinangangalandakang gamitin. Dala na rin marahil ng kagustuhang makisabay sa larangang pandaigdigan, higit na ginagamit sa mga pormal na pakikipagtalastasan ang wikang Inggles.
Ngunit, sa mga institusyong ito lamang ba matatagpuan ang mga aral na tao? Sa mga pormal na pakikipagtalastasan sa wikang Inggles lamang ba naipamamalas ang pagiging aral ng isang tao? Marahil kailangang matanto ni G. Soriano na hindi lamang sa mga nabanggit nagaganap ang pakikipagtalastasan ng aral na tao. Masasabi kong higit itong nagaganap sa pangaraw-araw na buhay. Hindi marahil ito iyong usaping Kimika at Pilosopiya. Nakapaloob ang pakikipagtalastasan ng aral na sinasabi ko sa simpleng mga payo at usapin na nagpapalalim sa ating pagkatao. Na hindi nga ba’t pinakamahalagang layunin ng pag-aaral?
Kaliskis kong Mahal
Ngunit, naaamoy ko rin pagkamalansa ng aking mga kaliskis. Dahil sa isinulat ni G. Soriano, napagtanto kong marahil nababawasan na nga rin ang aking pagmamahal sa sariling wika. Likas na sa akin ngayon ang magsalita ng Taglish. Oo, maaaring sabihing hindi naman ito ganoon kalaking bagay lalo na’t maaaring bunga ito ng isang kulturang mapagpatawad sa minsang pagyakap sa banyagang kultura. Ngunit, sa panahon kung saan kaliwa’t kanan nang napalalabnaw ang wikang Filipino, hindi ba’t nararapat lamang na kaliskisan na natin ang ating mga sarili at muling tangkilikin ang wikang Filipino? Hindi ba’t napapanahon nang bawasan ang mga pananalitang nagpabababa sa sarili nating wika? Dahil sino pa nga ba ang magmamahal sa wikang Filipino kundi tayo?
Sa gayon, higit kong bibigyan ng pansin ang pananalita at pagsusulat ko sa wikang Filipino. Marahil magkakaroon ng panahong gagamit pa rin ako ng Taglish at wikang Inggles, lalo na rito sa aking blog. Ngunit, sa ngayon, higit kong pagsisikapang magsalita sa wikang Filipino lamang upang higit ding mahikayat, lalo na ang kabataan, na mahalin at yakapin ang sariling wika. Nawa’y makahanap din ako ng mga babasahin at makanood ng mga pelikulang Filipino upang higit kong mapahalagahan ang aking sariling wika.
Hamon ng Pangangaliskis
Saludo pa rin ako sa pag-amin mong masahol ka pa nga sa malansang isda, G. Soriano. At sa ibang nagladlad na rin ng kanilang mga kaliskis. Ngunit, sana’y hindi roon matapos ang lahat. Sa kung paano mang paraan, nawa’y higit ninyong makita ang kagandahan ng sarili nating wika. Napakayaman ng wikang Filipino sa mga salitang bumubuhay sa karanasang atin at atin lamang. Sayang lamang kung mamamatay ito lalo na sa kamay ng mismong mga tao na biniyayaang wikain ito.
Simulan na ang pangangaliskis!
No comments:
Post a Comment