Kaya mo bang ihaya ang takot at ginhawa ng nakasanayan upang yakapin ang pangako at paminsan-minsang pait ng pagbabagong inaasam?
Mahirap yakapin ang hindi sigurado. Nanlalamig ang nag-aalangan. Ninanakaw ang dapat na init ng pagtanggap ng hinahagkan.
Mahirap yakapin ang paminsan-minsang pait. Nag-iinit ang nanghihitik sa pait. Ninanakaw ang dapat na lamig ng pagtanggap ng hinahagkan.
Sa gayon, kaya mo nga bang yakapin ang sala sa init o sala sa lamig na hahagkan? O isusuko na lamang ang pagbabagong nais na hagkan kapalit na iwasan ang hinagpis na dulot ng hahagkan?
Marahil may nararapat pang tanungin. Tangan mo ba ang pinakamahirap ngunit pinakakailangan sa panahon ng pagbabago? Tangan mo ba ang tiwala?
Mahirap magtiwala. Mahirap dahil sa kabila ng sarili nating mga kinikilingan at pag-aalangan, hihingin nito ang buong pagbibigay ng sarili sa ikabubuti ng iba o proseso. Alam naman nating hindi biro ang magtiwala.
Ngunit kailangan magtiwala. Kailangan sapagkat sa kabila ng sarili nating mga kinikilingan at pag-aalangan, tinatawag tayo upang buong ibigay ang ating sarili sa ikabubuti ng iba o proseso.
Sa gayon, sa ikabubuti ng proseso ng pagbabagong walang hangad kundi ang ikabubuti ng karamihan, pinakakailangan ang tiwala sa sarili, sa tao at sa proseso. Tiwalang handang yakapin ang pagbabagong sala sa init, sala sa lamig upang makamtan ang inaasam.
Sa buong-buong pagtitiwala at pagbibigay ng sarili sa pagbabago, buong-buo ring ibibigay ng prosesong ito ang kanyang sarili. Unti-unti man, darating din ang panahong buo nating maiintindihan ang mga dahilan at kahalagahan ng pagbabagong dinaanan.
Sa panahong iyon, maglalaho ang pag-aalangan at pait at tanging mananatili ang mahigpit na yakap ng isang taong nilinang, hinubog at pinatatag ng pagbabago.
No comments:
Post a Comment