Kaibigang M,
Noong huli tayong mag-usap,
sinabi ko sa’yo na kaya na kitang patawarin sa lahat ng iyong nagawa maliban sa
isa. Ang ipagkaila mo ako. Bagama’t hindi na ako bahagi ng iyong kasalukuyan,
kailangan mo rin bang panindigang hindi kailanman umiral ang ating nakaraan?
Ngunit napagtanto kong hindi ako
ang pinakanawawalan nang dahil sa iyong pagkakaila. Bagama’t ang iyong
pagkakaila ang isa sa pinakatagos sa laman (o maaaring ito na nga ang pinakatagos),
naranasan at mararanasan ko rin na ipagkaila ako ng ibang tao. Ngunit kaya ko
namang mamuhay nang ikinakaila nang ibang tao dahil hindi lang naman sa kanila
nakasalalay ang pagkatao at pagkakakilala ko sa aking sarili. Sa gayon, hindi
magiging hadlang ang iyong pagkakaila sa pagiging buo ng aking pagkatao sa
kalaunan.
Sa totoo lang, higit akong nag-aalala para sa’yo. Ang
pagkaila mo sa akin ay ang pagkaila ng bahaging iyon ng iyong nakaraan at pagkatao.
Dahil ikinakaila mo ang bahaging iyon, hinahadlangan mo ang iyong sarili na tanggapin
ang kabuuan ng iyong pagkatao. At sa gayon, hinahadlangan mo na kilalanin ang
tunay at buo mong sarili.
Malinaw na ikaw lamang ang
makakapagpasiya tungkol dito. At kung patuloy lang ang iyong pagkaila sa akin,
wala na sa akin iyon. Tuloy lang ang buhay salamat sa tatag at tibay ng loob na nabuo ko dahil sa mga kinaharap kong unos noong mga nakaraang taon.
Ngunit, kung may isa man akong
ipagdarasal, sana’y kahit papaano, matanggap mo rin ang bahaging iyon ng iyong
nakaraan at sarili upang maibigay mo rin nang buong-buo ang iyong sarili sa mga
taong gusto mong bahaginan ng iyong pagkatao.
Pinatatawad na kita para roon at
mananatiling bahagi ng aking mga panalangin ang kapayapaan ng iyong loob.
No regrets, just love.
T
No comments:
Post a Comment